I'm Dreamin' BIG.

The Beatles of the Philippines—no–Let me rephrase that— THE ERASERHEADS.

Wednesday, April 30, 2008

Ngayon lang ako nahawa sa lagnat na dulot ng bandang The Eraserheads/E-Heads. Oo, kahit na naghiwa-hiwalay na sila’y nahawa pa rin ako sa lagnat (bagu-bago lang)… at tantiya ko’y wala yatang hangganan ang paglaganap ng lagnat na’to. Buhay na buhay pa rin sa mga puso ng mga tao ang mga kanta at ang alaala ng banda.

Gustung-gusto ko na yung mga kanta nila kahit nung maliit pa ako… mula pa noong hindi pa ako marunong magcomputer at wala pa akong alam tungkol sa internet. May mga kanta ring ikinabibigla ko dahil ang EHeads pala yung orig na kumanta, at ginawan ng cover song ng ibang (sikat na) mangangawit (may mga pagkakataon kasing yung salin ng mga mangangawit na ‘to ang una kong naririnig… kaya nabibigla ako sa tuwing malaman kong EHeads pala ang henyo sa likod ng mga kantang gusto ko. At dahil dito’y mas lalo kong nagugustuhan yung mga kantang ‘yon). Iba talaga sila. Bata man o matanda, napanalo nila ang mga puso ng mga mamamayan…ng masa, ng mga nasa kolehiyo (lalo na nung kapanahunan nila), at kahit ng napakaraming matatagumpay na tao, isali mo na rin ang mga pinakasikat na mga banda ngayon sa mainstream. Nanghihinayang lang ako’t hindi ako ganito ka adik sa kanila nung andyan pa sila… nanghihinayang ako’t ngayon lang ako naloka.

Ely Buendia, Raimund Marasigan, Marcus Adoro, Buddy Zabala… sila ang mga henyong nagdala sa pangalang The Eraserheads… sila ang mga henyong nasa likod ng "Sound Track ng Buhay" ng napakaraming mga Pilipino. Kanya-kanya na sila ngayon… ngunit ang mga taong tumitingala at sumasaludo’y patuloy na nag-aabang sa kanila… at isa na ako sa mga taong ‘yon ngayon. Alam kong cliche na ito para sa mga naunang fans ng EHeads ngunit… inaabangan ko pa rin at ipinagdarasal ang araw kung saan ay magkikita-kita sila’t magkakaisa kahit sa maikling panahon lang.

Dumaan na ang panahong ibinalitang inatake sa puso si Ely Buendia, ngunit naramdaman ko pa rin ang takot, nerbyos at pagkalungkot na maaaring maramdaman ng isang taong sumusubaybay sa kanya, sa kanila… kahit na binasa ko lang ang tungkol dito at isang taon na ang nakalipas. Sa tuwing naririnig ko ang "Ang Sarap Dito" na kinanta ng Project 1, kung saan si Raimund ang main vocalist, o marinig man lang ang kahit anong kanta ng Sandwich, ngayo’y tumitindig ang mga balahibo ko. Nakatatak na kasi sa isip kong bago ang Sandwich, Pupil, Cambio, o Marcus Highway, eh, nauna’t nauna pa rin at hindi makalilimutan ang bandang EHeads.

Sa lahat ng kanta ng The Eraserheads, eh, ang "Ang Huling El Bimbo" at "With A Smile" ang pinakapaborito ko. Alam ko noon pa man na sila yung kumanta nito… ngunit ngayon ko lang talaga dinibdib at pinuna ng maigi na sila nga ang may gawa ng dalawa sa pinakapaborito kong mga kanta.

Ang pinakamabuting gawin ko ngayon ay ang subaybayan at suportahan ang kanya-kanya at kasalukuyang banda ng mga dating miyembro ng bandang may malaking impluwensiya sa buhay ng nakararami.

Tinaguriang "The Beatles of the Philippines" kung saan si Ely Buendia, ang frontman, daw ay maihahalintulad sa tanyag na si John Lennon, ang E-Heads ay ang E-Heads… at wala silang katulad. Ibang klase ang The Beatles, at iba rin ang The Eraserheads. Hindi pa nakikilala o nabubuo ang bandang katulad o mas magaling pa sa kanila dito sa Pilipinas.

_______

This is the first time in a long time that I was able to compose a long entry. Finally! I’m sorry for the unorganized flow of the thoughts… anyway, it’s all about the Eraserheads. I might edit this sometime, I guess, depends on my mood. It feels good to have made my entry as Filipino as I can. After all… it is a Filipino band. A band by the Filipinos, for the Filipinos. I hope that the next generations will still be able to appreciate good and authentic music like that of The Eraserheads.

Posted by aiel at 8:40 pm | permalink

Add a comment